Sunday, June 30, 2013

Pasasalamat

Naka-isang taon at kalahati din ako. Hindi gaano katagal. Pero busog naman sa karunungan, sa kaibigan at syempre kasiyahan. Pag nagsimula ka sa kahit anong trabaho, pakitang mahiyain muna. Conservative ang kilos, nakikiramdam sa mga tao sa paligid. Mahirap humirit agad, baka masabihan ng feeling close agad. Nung unang mga lingo ko, talagang animo'y mahiyain ako. Konti lang ang salita, hindi masyado umiimik. Isang tanong, isang sagot. Sa mismong trabaho naman sa loob ng laboratoryo, todo ang pagiging seryoso. Syempre kelangan magpa-impress. Maliban sa sobrang aga pumasok, dapat mabilis ang pag-iisip. Dapat matalino. Bago e, dapat impressive! Napapa-aral talaga ako pag uwi ko. Hindi naman sa pagmamayabang pero reference lab nga kasi. Mataas ang standard. Kaya kahit ilang buwan na akong nagtra-trabaho e parang first day ko pa din. Mahirap ang naging transition ko. Mula histopath tapos mircobiology. Tsk tsk... Sa staining lang ako nakaka-relate ng konti. Haha!

Sa mga katrabaho naman, nag-adjust din. Iba-ibang tao, iba-ibang personalidad. Merong malakas tumawa. Merong mahina lang. Merong makulit, meron din sakto lang. May maingay, at may... mas maingay. Madali lang naman silang pakisamahan. Iba-ibang tao na merong iba't ibang personalidad pero may dalawang hilig lang naman kasi. Pag nalaman mo yung dalawang hilig nila na yun e parang nahuli mo na ang kiliti nila. Ang una, pagkain. Ang pangalawa, mas madami at masarap na pagkain. Kaya pag lunch break, ang saya! Pinagbubuklod ng kainan na may kasamang kwentuhan at halakhakan. Minsan nga may halong chismis pa. At minsan, hindi ako maksabay kung tunay na buhay na ba ang chismis o yung napanuod lang nila sa telenovela nung gabe. Tapos patong-patong na kwento dahil nagsasalita ang lahat ng saby-sabay pero mauuwi naman sa sabayang tawanan. Walang kapantay 'to! Mas masaya pa 'to sa pinaghalong Goin' Bulilit at Bubble Gang (Kung may edad ka na, mas masaya pa 'to sa pinaghalong Going Bananas at... student canteen siguro! haha!).

At kung personalidad din lang ang usapan, e talagang nagsta-standout ang lahat. May madaldal, meroong naman malakas ang boses, merong bibong-bibo, merong pasaway, may balidoso, pero lahat siguro maingay o makwento. Lahat mahilig kumain pero konti lang ang marunong magluto. May designated kusinero pa nga kami e. At gaya nga ng sabi ko, iba-iba man e solid naman ang samahan. Kayang-kaya ko sabihin na nagustuhan ko naman ang pakikitungo ng bawat isa. Ang galing nga nila e, napasayaw (kung maitatawag na sayaw) nila ako ng gwiyomi nung anniversary ng program sa Bayleaf Hotel. Walastik, sobrang hiya ko nun.

Ang mga ilang di ko makakalimutan na nangyari sa labas ng laboratoryo e yun mga kakaibang outing namin. Yung unang outing na nasamahan ko sa Laguna, nagulat ako. Mahigit 15 kami nun pero parang pang 4 na tao lang yung pool! Ang kakaiba din siguro e yung baon namin. Kung ang usong baong ulam sa outing e ang walang kamatayan adobo, sila ay sinigang na baboy ang dala. Hanep! Yung pangalawa naman nung Christmas party. Sumakay kami sa shuttle/bus nung institusyon namin. Dahil nga siguro gobyerno at nagtitipid, e parang pwede na dalhin sa junk shop yung shuttle. Hindi ko malilimutan nung umusok yung shuttle ng amoy nasusunog na goma sa SLEX. Ang kapal ng usok, ang baho at dumidikit sa damit.hehe. Iniwan na lang namin yung shuttle sa police station at binalikan kinabukasan. Pero ang mas nakakatuwa e yung sigla ng grupo na hindi nawala. Sumakay kami ng dyip na pampasahero. At imbes na ma-bad trip e lalo pa kaming nagkatuwaan. Gumawa pa nga kami ng laro sa loob ng dyip at sinali pa yung ibang pasahero na hindi naman namin kilala. Adventure din na matatawag yung lakad namin sa Siquijor at Dumaguete. Mahabang kwento 'to. Basta sobrang saya din. At walang aswang sa Siquijor! Ang dami ngang dayuhan na pakalat-kalat e. It's more fun in the Philippines!

Madami talaga akong natutunan, lalo na sa Microbiology. Ang dami naming nasalihan na EQAS. Meron sa Hong Kong (4 na beses sa isang taon), meron sa Salmonella, at meron din sa gonorrhea. Yung kaalaman mo bilang Med Tek, talagang lalawak ng husto. Nahirapan talaga akong sumabay dun sa galing nila. Siguro nga kahit papaalis na ako e hindi ko pa din naabot yung standard nila. Advance na kasi talaga, pang reference lab na talaga. Kaya kung nasa microbiology ka man ngayon or hindi at gusto mo ng training, dito kita i-rerefer.



Nakakalungkot lang talaga yung lumilipat ng trabaho. Nung unang lipat ko, hindi ko alam kung paano magpapaalam sa supervisor ko. Parang nakakailang. Parang nakakahiya. Parang hindi ko alam kung pano sisimulan. At nangyari nga ulit. Kelangan ko na magpaalam habang maaga pa. Mas nakakahiya at nakaka-argabyado kung tipong huli na yung pagpapaalam. Nilakasan ko na lang yung loob ko. Bahala na. Ayun sobrang lakas nung kabog ng dibdib. Nauutal-utal pa nga habang nagsasalita ako. Hirap mag-resign.

Pero lahat ng kalungkutan, kelangan talaga pagdaanan. Harapin ng ngiti. Ngiti na dulot ng alaala ng kasiyahan ng pagsasamahan. Kahit na yung pag-alis mo ang dulot ng lungkot, yun din ang gagamitin mo para bumawi. Nakakalungkot dahil hindi mo na sila kasama pero ngingiti at tatawa ka din pag naaalala mo sila. Kaya ang laki ng pasasalamat ko na maayos at masaya ang mga nakasama ko. Binaunan nila ako ng masasayang alaala na higit pa sa lungkot na madarama ko sa aking paglisan. Isang taon at kalahati na hinding-hindi ko pinagsisihan. Isang napakalaking pasasalamat mula sa isang nagpapakumbabang Med Tek.



Paki-share naman sa ibang Med Tek! Paki-kwento na may blog na ganito ha.hehehe. Paki-Like na din yung facebook account at pa-follow sa twitter (follow din kita). SALAMAT!

Pa-Like: http://www.facebook.com/MedTek101
I-follow sa twitter @BuhayMedTek



Bagsak ba ang ekonomiya ng bansa? Hindi kaya! Naka-SALE ang stock market! Ano pa inaantay mo? Invest na sa PSE (Philippine stock exchange)! Basahin mo 'tong post ko... http://medtek101.blogspot.com/2013/02/rising-tiger.html o kaya click mo to... http://bosanchezmembers.com/amember/go.php?r=15799

1 comment:

  1. Hi, Really great effort. Everyone must read this article. Thanks for sharing.

    ReplyDelete